Dating naglalaro sa lupa ang mga bata sa Sitio Pariahan sa Bulakan, Bulacan, at may prosisyon pa ng mga poon ang mga residente kapag kapistahan. Pero sa nakalipas na 20 taon, unti-unting inagaw ng tubig ang lupa sa naturang lugar hanggang sa tuluyan na itong lumubog sa tubig. Paano ito nangyari? Panoorin.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 30 minuto ang biyahe sakay ng bangka bago marating ang sitio. Ang mga bahay dito, nakatirik sa ibabaw ng tubig na ginamitan ng mga kawayan.

Ang kanilang kapilya at paaralan, lubog din sa tubig kahit walang ulan o high-tide.
Ang ilang residente na matagal nang naninirahan sa lugar, tandang-tanda pa ang panahon na may lupa sa kanilang sitio.

"Nung hindi pa po ganyan [lubog sa tubig], pag po may kapiyestahan dito may musiko kami dahil nilalakad namin yung mga poon," anang isang residente.

"Yung mga bata nakapaglalaro diyan sa kalsada dahil lupa. Eh ngayon hindi na nakapaglalaro," dagdag niya.

Naging mahirap umano ang pamumuhay ng mga residente sa lugar mula nang malubog sa tubig ang lugar. Ang iba, lumipat na ng matitirhan, habang mayroon din pinipiling manatili dahil pangingisda ang kanilang kabuhayan.

Ang lokal na pamahalaan, isinusulong na ilipat na sa ibang lugar ang mga residente dahil sa peligroso na ang tumira sa Sitio Pariahan.

Paliwanag ng UP National Institute of Geological Sciences, land subsidence ang tawag sa unti-unting paglubog ng lupa tulad ng nangyayari sa Sitio Pariahan.

Base umano sa pag-aaral ni Dr. Kelvin Rodolfo para sa National Academy of Science and Techonology o NAST nitong 2016, hindi lang sa Bulacan nangyayari ang land subsidence.

Nangyayari din umano ito sa ibang lugar kabilang ang Metro Manila at Southern Luzon, lalo na ang mga nasa coastal areas. Pero hindi lang daw pare-pareho ang antas at bilis ng pagbaba lupa.

Tinatayang nasa isang pulgada hanggang dalawang pulgada kada taon ang puwedeng maging pagbaba umano ng lupa.

Kabilang umano sa mga pangunahing dahilan ng subsidence ay ang ay sobrang paghigop ng tubig mula sa ilalim ng lupa gamit ang mga poso. Bukod pa rito, ang land conversion o pagbabago ng gamit sa ating mga kalupaan na isang direktang epekto ng patuloy na paglobo ng populasyon.

"Ang isang compounding factor ng ground water extraction ay kung hindi bumabalik ang tubig mula sa ulan. At nangyayari ito kapag pinapalitan natin yung land use ng area na dati ay mga palayan o kaya forest cover ngayon ay urbanized. Pagka urbanized ang area, hindi pumapasok ang tubig sa semento," paliwanag ni Professor Carlos Primo David, UP National Institute of Geological Science.

Isa pa umanong nakapagpabilis sa paglubog ng mga komunidad ang global warming na unti-unting nagpapataas ng sea level, o taas ng mga karagatan na apektado ang buong mundo.

"Dahil sa pag-init ng mundo, unti-unting natutunaw ang mga polar ice caps effectively increasing by a few centimeters and sea level," sabi ni David.

Sa ganitong sitwasyon, mapapabagal lamang daw ang paglubog pero hindi na tuluyang maibabalik pa ang lupang unti-unti nang nilalamon ng tubig.-- FRJ, GMA News