Hindi naging hadlang ang edad sa isang lola para matupad ang kaniyang pangarap na ipagpatuloy ang pag-aaral. Ngayong pasukan, balik-eskwelahan siya bilang isang Grade 6 student sa Santa Cruz, Laguna.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing kasama ni lola Rebeca Bartolome, 52-anyos, sa pagpasok sa eskuwela ng kaniyang apo na Grade 4.
Pumapasok si lola Rebeca sa Bagumbayan Elementary School na suot ang kaniyang uniporme at maayos na itinali ang kaniyang buhok.
Napag-alaman na kinailangan na tumigil noon sa pag-aaral si lola Rebeca para mamasukan bilang labandera sa Taytay, Rizal, dahil sa kahirapan.
"Naglalaba lang po ako. 'Yun lang po ang trabaho ko. Kung ano man po kinakita sapat lang po sa amin," sabi niya.
Pursigido ngayon si Rebeca na makapagtapos bagamat nangangapa sa mga leksyon at halos kaedad lang ng kaniyang apo ang kaniyang mga kaklase.
"Si mommy Rebecca po, maayos naman po siyang estudyante. Nakikipag-participate po siya. Saka po madali po siyang makihalubilo sa mga classmate," ayon kay Jothelia Folloso, adviser ni lola.
"Noong una po talaga naming tinanggap siya dito sa aming paaralan, nakita po talaga namin na maluha-luha talaga siya dahil kumbaga 'yung pagtanggap namin sa kaniya ay katuparan na ng kaniyang pangarap," ayon kay Soledad Villegas, principal ng Bagumbayan Elementary School.
"Maganda po dito kasi may kaalaman po. Mahirap po pala 'yung wala kang alam," sabi ni lola Rebeca.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
