Nagkaroon ng bagong pag-asa ang isang asong lumpo matapos siyang gawan ng isang acting police chief sa Bukidnon ng improvised wheelchair para muli siyang makatakbo.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing hinahangaan ngayon online si Acting Police Chief, Police Captain Patrick Castro ng Kalilangan Municipal Police Station dahil sa kanyang pagmamalasakit sa asong si Tiger.

Ikinuwento ni Castro na napadpad si Tiger malapit sa kanilang estasyon na hirap nang maglakad.

Hindi na aniya magamit ng aso ang dalawang paa nito sa likod kaya hinihila na lamang nito ang katawan.

Dahil dito, pinagkabit-kabit ni Castro ang mga pira-pirasong tubo at nilagyan ng gulong mula sa sirang stroller para ito ang magsilbing suporta kay Tiger. —Jamil Santos/LBG, GMA News