Isang lalaki sa Indonesia ang malalakad nang paatras sa layong 700 kilometro mula sa kaniyang tahanan sa eastern Java patungo sa Jakarta. Hangarin niya na maitaas ang kamalayan ng tao sa nangyayaring deforestation sa kanilang bansa at makausap ang kanilang pangulo na si Joko Widodo.
Sa ulat ng Reuters, sinabing ang Indonesia ay kabilang sa mga bansa sa mundo na may pinakamabilis na pagkakalbo ng kabundukan.
Nang simulan umano ng 43-anyos na si Medi Bastoni ang kaniyang paglalakad nang paatras nitong July 18, nakatawag na umano ng pansin ang kaniyang dakilang misyon.
Ang lugar umano ni Bastoni sa Mount Wilis sa East Java ang kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ng deforestation sa kanilang bansa.
“I hope the government will start to care about the environment .... so the young generation will care about our environment,” sabi niya sa Reuters TV.
Sa video, makikita si Bastoni na may bitbit na backpack kung saan nakakabit ang rea-view mirror para makita pa rin niya ang kaniyang nilalakaran. Bawat araw, nasa 20-30 kilometro ang kaniyang nalalakbay.
Inaasahan na makakarating ni Bastoni ang Jakarta ngayong buwan at umaasa siyang mabibigyan siya ng pagkakataon na makausap ang kanilang pangulo.--Reuters/FRJ, GMA News
