Talagang bahagi na ng panlasang Pinoy ang isaw-baboy, kaya sa kabila ng pangamba dahil sa pagpasok ng African Swine Fever sa bansa, tila dedma ang mga parokyano sa isang isawan sa Ermita, Maynila.

Ayon sa ulat ni Cecile Villarosa sa GMA News TV Quick Response Team ngayong Biyernes, malakas pa rin daw ang benta ng isawan.

Galing daw ang supply nila sa palengke ng Paco.

At ang binibili raw nila, may tatak ng National Meat Inspection Service o NMIS.

Ang mga bumibili, hindi rin kababakasan ng pagkabahala.

Pasok daw kasi sa kanilang budget ang isaw at pamatid-gutom din kahit papaano.

Bukod sa isaw, wala ring patid ang benta ng pork barbeque.

Sa halagang P30, meron nang kanin at dalawang stick ng barbeque.

Pero kung ang mga suki ng isaw, hindi apektado sa isyu ng african swine fever, sa Commonwealth Market, nagreact na ang presyo ng baboy na nagmura nang P30 to P40 ang kada kilo. —JST, GMA News