Payag ka bang "iburol," magkaroon ng funeral portrait at humiga sa saradong ataul ng ilang minuto kapalit ng magandang leksyon sa buhay?

Bilang bahagi ng programa ng Hyowon Healing Center sa South Korea,  may libreng serbisyong alok ang isang punerarya para sa mga buhay na nais mapabuti ang kanilang pananaw sa buhay.

Sa ulat ng Reuters, sinabing umabot na sa 25,000 katao ang kumuha ng naturang serbisyo na magpatay-patayan mula nang simulan ang programa noong 2012.

“Once you become conscious of death, and experience it, you undertake a new approach to life,” sabi ng 75-anyos na si Cho Jae-hee.

Pero hindi lang umano ang mga matatanda ang sumusubok ng programa, kung hindi maging ang mga kabataan.

Bahagi ng proseso ang paghiga sa saradong kahon na mistulang ataul na tatagal ng sampung minuto.

Ang 28-anyos na si Choi Jin-kyu, sinabing marami siyang napagtanto habang nakahiga sa ataul.

“When I was in the coffin, I wondered what use that is,” sabi ni Choi, patungkol sa kaniyang pananaw noon na madalas na kakompetisyon ang tingin niya sa ibang tao.

Kasama sa kaniyang naisip habang nasa ataul ang magtayo ng negosyo sa halip na maghanap ng mapapasukang trabaho.

“It is important to learn and prepare for death even at a young age,” sabi ni Professor Yu Eun-sil, doktor sa Asan Medical Center’s pathology department, at nagsulat ng libro tungkol sa kamatayan.

Ayon sa Hyowon, ibinibigay nila ang libreng serbisyo ng punerarya sa mga buhay para mapahalagahan ng mga tao ang kanilang buhay, at matutong magpatawad at makipagkasundo sa kanilang mga nakaalitang kaanak o kaibigan.

Sabi ni Jeong Yong-mun, namumuno ng healing center, nakalulungkot kung nagtatagal pa ang pagkakasundo ng mga nagkakaalitan, at magaganap sa burol ng isang kaanak.

“We don’t have forever,” saad niya. “That’s why I think this experience is so important - we can apologize and reconcile sooner and live the rest of our lives happily.”-- Reuters/FRJ, GMA News