Para mabawasan daw ang mga naaksidente sa kalsada, partikular sa mga tumatawid, ilang pedestrian lane sa Thailand ang ginawang tila "nakalutang" para maalerto ang mga motorista.

Kabilang sa nilagyan ng 3D pedestrian lane na ginawa ng mga estudyante at volunteer,  ay ang tapat ng isang eskuwelahan sa Bangkok.

Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ni Natthapong Jiravijit, project manager, anim na 3D pedestrian lane na ang kanilang nagawa na malapit sa paaralan at templo, kung saan marami umano ang tumatawid.

Bukod sa mapapahinto raw ang mga motorista kapag nakita ang tila nakalutang na pedestrian lane, maiingganyo rin umano ang mga tao na tumawid dito.

Batay umano sa isang datos ng National Health Security Office (NHSO), 10,672 aksidente ang kinasangkutan ng mga pedestrian ang nangyari sa Thailand sa nakalipas na apat na taon. Sa naturang bilang, 900 ang nasawi.

Sa survey naman na ginwa ng Super Poll noong 2016, lumitaw na 90 percent ng 1,204 katao na tinanong ang nasabing hindi ligtas ang pakiramdam nila kapag tumatawid kahit sa zebra crossing o pedestrian lane.

Pag-aaralan pa kung kailangang dadagdagan pa ang mga kakaibang pedestrian lane.-- Reuters/FRJ, GMA News