Naistorbo man ng isang ginang na biglang napaanak sa kalye ang kanilang inuman, masaya pa rin ang isang grupo ng magkakaibigan sa Tondo, Maynila dahil nailigtas nila ang buhay ng mag-ina.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nag-iinuman ang grupo sa labas ng bahay noong Martes ng madaling araw para ipagdiwang ang kaarawan ng isa sa kanila.

Pero bigla silang binulabog ng isang babae na lumapit sa kanila at humihingi ng tulong dahil manganganak na raw siya.

Noong una, inakala raw nila na nagti-trip o nagbibiro lang ang babae lalo pa't payat umano ito at mukhang hindi buntis. Pero nang makita nila na may lumalabas na dugo sa ginang, doon na sila umaksyon.

Sa video na nag-viral sa social media, makikita kung gaano nataranta ang grupo habang tulong-tulong sa pag-alalay sa babae at sa sanggol.

Ayon sa isa sa kanila, kaagad na sinalo ng kanilang kasama ang sanggol nang makita nilang lumabas na ito. Laking tuwa naman nila nang umiyak ang sanggol.

Hindi na nagawang putulin ng grupo ang umbilical cord ng bata at kaagad nilang isinakay sa tricycle ang mag-ina para madala sa ospital.

Nang makausap ng GMA News ang grupo, sinabi nila na hindi nila makakalimutan ang naturang inuman.

Kuwento naman ng babaeng nanganak, wala siyang kasama nang biglang humilab ang tiyan. Laking pasasalamat niya sa mga taong tumulong sa kaniya.

Malusog naman ang sanggol na papangalanan niyang Johnston, na sunod sa Mary Johnston Hospital kung saan siya dinala.--FRJ, GMA News