Handa umanong magbigay ng pabuya ang isang opisyal ng conservation agency sa Palu, Sulawesi sa Indonesia sa sinumang makapag-aalis ng gulong ng motorsiklo sa leeg ng isang buwaya na may habang 13 talampakan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing ilang taon na umanong sinisikap ng mga awtoridad na mahuli ang buwaya upang sagipin ito at matanggal ang gulong.

Minsan na raw kasing nakuhanan ng video ang buwaya na nahihirapang huminga dahil nasasakal ng gulong.

Nag-aalala sila na dahan-dahang mamamatay ang buwaya habang nasa leeg nito ang gulong.

This picture taken on January 22, 2020 shows a saltwater crocodile, with a motorcycle tire around its neck, sunbathing by the riverbanks in Palu, Central Sulawesi. Indonesian authorities are offering a reward to anyone who can remove the tire—and survive. Muhammad/AFP
Kuha noong Enero 22, 2020 sa saltwater crocodile na sinisikap na masagip at maalis ang gulong ng motorsiklo sa kaniyang leeg sa Palu, Central Sulawesi sa Indonesian. - Muhammad/AFP

 

Kaya naman nang muling mamataan ang buwaya, inatasan ng gobernador ang kanilang conservation agency na maghanap ng paraan upang masagip na ang hayop.

Bagaman limitado ang detalye tungkol sa iniaalok na pabuya, sinabi ng pinuno ng ahensiya na manggagaling sa sarili niyang bulsa ang pabuya.

Pero hindi hinihikayat ng opisyal ang mga "amateur" hunt na sumali sa pagsagip sa buwaya. Sa halip, ang mga taong may karanasan sa wildlife rescue at nais na masagip ang hayop ang sumali sa paghanap sa buwaya.

"We're asking the general public not to get close to the crocodile or disturb its habitat," sabi ni Hasmuni Hasmar, pinuno ng Central Sulawesi Natural Resources Conservation Agency. — AFP/FRJ, GMA News