Isang lalaki ang umakyat sa poste at tumawid sa mga kable ng kuryente sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Sa kanto ng Scout Castor at Tomas Morato Avenue, nakitang walang takot na tumawid sa mga kable na nakakabit sa mga poste ang nasabing lalaki, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

May puntong huminto ang lalaki habang pinipigilan ng mga tao sa lugar.

Ayon kay Pepito Abejero, isang security guard sa lugar, bigla na lang umakyat sa poste ng kuryente ang lalaki.

"Nakita ko na lang siya tumatakbo. Umakyat siya roon. Inaano ko na siya para bumaba. Pero hindi ako pinakinggan, umakyat sa itaas. Andyan na mga bata, lalong natakot sa mga bata, hindi na umalis sa itaas," aniya.

Agad daw siyang humingi ng tulong sa mga taga-barangay.

Dumating ang mga pulis at rescuers matapos ang ilang minuto.

"Nung dumating 'yung mga pulis naglambitin na siya diyan sa wire na 'yan. Hindi na umalis. Bumalik siya rito. Pagdating diyan sa ibabaw na 'yan, inakyat na ng pulis para kunin siya," kuwento ni Abejero.

Nang lumipat sa isa pang poste ang lalaki, doon na naglagay ng hagdan ang mga pulis para malapitan siyang makausap.

Mag-aalas-onse na ng gabi nang mailigtas ang lalaki na kusang bumaba sa poste.

Aniya, may nagbabanta sa kaniya at pinagbibintangan siya kaya't umakyat siya sa poste.

Agad isinakay sa ambulansiya ang lalaki at dinala sa ospital.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Kamuning Police ang insidente. —KG, GMA News