Sa pamamagitan ng paghawak sa tinapay, ipinakita sa isang science experiment sa Amerika ang bisa ng paghuhugas ng kamay.  Ang mga tinapay, hinawakan ng kamay na hindi hinugasan, isang nag-hand sanitizer, isang ipinahid sa mga laptop at iba pa. Panoorin ang resulta.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ginawa ang eksperimento para malaman kung ano ang pinakamabisang panlaban sa germs.

Ang isang tinapay, hindi hinawakan at agad inilagay sa selyadong plastic bag.

Ipinahid naman sa laptop ang sumunod na tinapay, at hinawakan naman ng hindi nahugasang kamay.

Hinawakan naman ang isang tinapay ng mga naghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. At mayroon ding tinapay na hinawakan ng kamay na gumamit ng hand sanitizer.

Nakita ang mga resulta matapos ang isang buwan.

Halos kulay itim na ang tinapay na ipinahid sa mga laptop, samantalang may discoloration ang tinapay na hinawakan ng maruming kamay.

May nakita ring kaunting discoloration sa tinapay na hinawakan ng mga gumamit ng hand sanitizer.

Pero ang tinapay na hinawakan ng mga kamay na hinugasan ng sabon at tubig, halos kapareho pa rin ng tinapay na hindi hinawakan.

"'Yung hands kasi ito 'yung pinakamadumi because it's the one getting in contact with everything," sabi ni Dr. Leilani Sumabat, Institute of Biology, U.P. Diliman.

"Hand washing works by washing off the pathogen before it enters the body, that's the general notion. And it is a handwashing that is properly done. There's a correct way of doing it with soap which makes it easier to wash it off," Jay Lazaro, PhD, Director, National Institute of Molecular Biology and Biotechnology, U.P. Diliman.

Pero nilinaw ni Doctor Lazaro na hindi pare-pareho ang bisa ng mga sabon o hand sanitizer sa lahat ng klaseng virus dahil may mga virus na mas matibay ang lipid membrane. Dahil dito, kakailangan daw ng mas matapang na kemikal tulad ng bleach, citric acid o ilang uri ng alcohol tulad ng ethanol.

Hindi naman sinabi sa class experiment sa Amerika ang uri ng sanitizer ang ginamit.

Lumabas ang eksperimento sa gitna ng banta ng novel coronavirus.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News