Habang abala ang mundo sa paglaban sa coronavirus,  inihahanda naman Aachen Cathedral sa Germany ang relics ng hindi masyadong kilala na si Saint Corona, ang patron sa paglaban sa epidemya. Paniwala ng mga eksperto, 16-anyos lang si Corona nang paslangin sa napakalupit na paraan nang dahil sa kaniyang pananampalataya.

Nahalungkat sa treasure chamber ng Aachen Cathedral sa Germany ang naturang relics ni Saint Corona, ayon sa ulat ng Reuters.

Nililinis na ang altar at mga alaalang iniuugnay kay St. Corona para masilayan ng publiko sa sandaling matapos na ang krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Tinatayang 25 taon nang nakatago ang mga relic ni St. Corona, na inilagay sa ilalim ng katedral.

“We have brought the shrine out a bit earlier than planned and now we expect more interest due to the virus,” sabi ni Aachen Cathedral spokeswoman Daniela Loevenich.

Sabi naman ni Brigitte Falk, pinuno ng Aachen Cathedral Treasure Chamber, “Like many other saints, Saint Corona may be a source of hope in these difficult times.”

Pinaniniwalang 1,800 taon na ang nakalilipas nang paslangin ng mga Romano si St. Corona dahil sa kaniyang pananampalaya bilang Kristiyano.

 

(Screengrab mula sa Reuters)

Batay umano sa mga paniniwala, nahati ang katawan ni St. Corona nang itali siya sa binatak na magkahiwalay na puno.

“Two palm tress were pulled apart and tied to ground. She was bound between the two of them, the ropes were cut, and she was torn apart in between the two trees," ayon kay Falk.

"That is a very gruesome story," dagdag niya.

Dahil umano sa naturang pangyayari ay naging patron ng mga nagtotroso o nangangahoy si St. Corona, at pati na rin patron sa paglaban sa epidemya, ayon pa kay Falk.

Sinabing dinala umano ni King Otto III sa Aachen ang relics ni St. Corona noong 997, na inilagay sa ilalim ng libingan ng cathedral. Ang altar na planong masilayan muli ng publiko may taas na 93 sentimentro at bigat na 98 na kilo.-- Reuters/FRJ, GMA News