Isang barangay chairman mula sa Tondo, Maynila ang pinagpapaliwanag ng Manila City Hall matapos niyang ilista ang 29 na pangalan na nakatira sa kaniyang bahay para makatanggap ng food pack mula sa lokal na pamahalaan.

Pero depensa ni Barangay 251 Chairman Rene Angat, nakatira talaga sa kaniyang bahay ang mga taong inilista niya na kinabibilangan ng kaniyang mga kamag-anak, trabahador, pati na ang ilang taxi driver.

“Nagpalista sila ng mga ipamimigay. Isinama [ko] lahat ng mga trabahador ko na may bawat pamilya kasi bawat pamilya entitled naman sa isa (food pack),” paliwanag niya sa ulat ni Chino Gaston sa “24 Oras” nitong Huwebes.

Ipinakita rin niya mga kuwarto sa kaniyang bahay na tinitirhan ng iba't ibang pamilya.

Ayon sa Manila City Special Mayor’s Reaction Team, naglunsad sila ng imbestigasyon kay Angat matapos nilang mapag-alamang marami itong inilistang pangalan para makatanggap ng food pack.

“Apat doon na pangalan considered as one family lang. Kasama doon yung lola, lolo, pati yung apo isinama niya sa makikinabang ng food subsidy,” ayon Police Major Rizalino Ibay.

Dahil sa ginawa ni kapitan, maaari raw itong masampahan ng mga reklamo tulad ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, at Bayanihan to Heal as One Act.-- Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News