Naging sisiw ang biniling balut ng isang babae matapos na makalimutang lutuin dahil naging abala sa pag-disinfect ngayong community quarantine. Ang sisiw na ginawa na lang alaga, pinangalanang "Cobibe" dahil sa COVID-19.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni YouScooper Alex, nabili ng kaniyang tita ang balut mula sa suki nito.

Sinabihan daw ng tindero ang kaniyang tita na malapit na sa maturity ang itlog, pero nagpumilit pa rin itong bilhin ang balut dahil paborito niya ito.

Pero naging busy umano ang tita ni Alex sa pag-disinfect dahil sa banta ng COVID-19 kaya hindi agad naluto ang balut hanggang sa tuluyang makalimutan.

Kaya naman nang lumipas pa ang ilang araw, ang balut, tuluyang nag-mature,  napisa at lumabas na ang sisiw.

 

 

 

 

Kinaaliwan ng libo-libong netizens si "Cobibe," na nagpapaalala raw na sa gitna ng krisis, may naghihintay na bagong simula at pag-asa.--Jamil Santos/FRJ, GMA News