Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI)-Laguna ang isang lalaking nagbebenta ng mga pekeng ID na may logo ng Malacañang at pirma pa ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makalusot daw sa mga quarantine checkpoint.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, timbog si Marvin Cuna at kaniyang mga kasamahan matapos makipagtransaksyon sa isang undercover agent ng NBI.
Ang mga ID na binebenta ni Cuna, galing daw sa Presidential Task Force on Moral Recovery, na magagamit para makadaan sa mga checkpoint habang naka-quarantine ang buong Luzon.
Nagkakahalaga umano ang ID ng P1,000, ngunit tumaas na raw ang presyo sa P3,000 dahil sa quarantine.
“‘Yung ID na po ‘yon, no’ng una po binigyan kami no’n. ‘Yung Moral Recovery daw po naka-tie up daw po sa Presidential Task Force, so sabi po sa’min lahat po ng willing mag-member—willing po, hindi po pinipilit," paliwanag ni Cuna.
Dagdag ng suspek, may kasama na rin daw itong benefits insurance at ang natitira ay napupunta sa mga project ng Moral Recovery.
Ngunit paliwanag ng Malacañang, hindi konektado sa kanila si Cuna.
Dagdag pa ng mga awtoridad, kumalat na raw ang ID sa ibang probinsya.
“Peke ‘yung grupo na ‘yan. Non-existent ‘yung ID na ‘yan. Ang mahirap lang kasi dito, kung merong kumakalat na gano’n… nade-defeat ‘yung purpose ng [quarantine] natin,“ ani Atty. Daniel Daganzo, hepe ng NBI Laguna.
“Pinakikilos ko na ang lahat ng NBI units sa bansa para hulihin ang lahat ng may hawak ng pekeng ID na ito,” dagdag ni NBI Director Eric Distor.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News
