Maraming kuwento-kuwento ng kababalaghan ang nangyayari umano sa isang estero sa San Fernando, Pampanga. Kaya naman nang may nadinig na panaghoy ang ilang residente na humihingi ng tulong, kinilabutan sila dahil inakala nilang multo ito.

Ang estero na dumadaan sa isang tulay ay daanan ng din mga sasakyan. Dahil ilang malagim na aksidente na ang naganap dito, may mga kuwento-kuwento na may mga kaluluwang nagpaparamdam sa lugar.

Kaya naman nang minsang may madinig ang ilang residente na tinig na umuungol sa lugar at humihingi ng tulong, inakala nilang baka isa ito sa sinasabing multo na nagpaparamdam lang.

Pero nang makita ng isang mag-asawa na gumalaw ang isinapin nilang karton sa ibabaw ng tulay para magtinda, kaagad nilang sinilip kung ano ang nagpagalaw dito. At laking gulat nila dahil hindi multo ang nakita nila sa loob ng imburnal kung hindi isang tao na puro putik at humihingi ng tulong.

Pero sino ang taong nasa loob ng imburnal at bakit siya napunta roon? Mailigtas pa kaya siya? Panoorin ang episode na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News