Sa halip na isa lang, dalawang paa ang mawawala sa isang matandang pasyente sa isang ospital sa Austria matapos na maling paa ang unang naputol sa operasyon.
Sa ulat ng Reuters, inihayag ng Freistadt Clinic, nasa isang bayan na kapangalan nito at malapit sa Czech border, na human error at isang "trahedya" ang nangyari.
Marami na umanong karamdaman ang 82-anyos na pasyenteng lalaki at naapektuhan na ang kaliwa niyang paa kaya dapat nang putulin.
"We are deeply shocked that on Tuesday, May 18, despite quality assurance standards, the wrong leg of an 82-year old man ... was amputated," ayon sa pagamutan.
Natuklasan lang ang pagkakamali nang papalitan na ang benda sa sugat sa pinutol na paa na mula sa itaas ng tuhod.
Lumitaw na nangyari ang "trahedya" nang maling paa ang mamarkahan na dapat na puputulin.
"Unfortunately the mistake, in which the right leg was removed instead of the left, occurred as a result of a sequence of unfortunate circumstances," ayon sa pagamutan, na nagsabing sinisiyasat na ang insidente at rerepasuhin nila ang kanilang patakaran.
Inalok ang pasyente ng psychological assistance at kailangan na muling sumailalim sa operasyon para putulin ang paa na dapat talagang alisin.
"The operation is planned shortly," sabi ng pagamutan.--Reuters/FRJ, GMA News
