Napatigil ang mga humaharurot na sasakyan sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa nakitang asong pagala-gala sa daan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ni Celine Maga,t na tila nakikipagpatintero sa SLEX enforcers ang isang Japanese Spitz na aso na nakita sa SLEX noong Sabado ng hapon.

Ayon kay Magat, hindi rin naalis sa kanila ang mag-alala sa kaligtasan ng aso dahil sa mga sasakyan na dumadaan.

Sa tulong na rin ng mga enforcer sa SLEX at pakikipagtulungan ng mga motorista na tumigil, ligtas na makatawid ang aso at tuluyan itong nasagip.

"Somebody is in the possession of the dog tapos tumalon doon sa expressway. So mabuti na lang at mayroon kaming patrol na nagroronda roon sa SLEX at nakita 'yung aso," ayon kay Skyway O&M Corporation President Manuel Bonoan.

"Right there and then pinahinto niya 'yung traffic para ma-save 'yung aso and we are very thankful sa mga motorist na nakipag-cooperate na huminto hanggang ma-save 'yung aso," patuloy niya.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin natutunton ang amo ng namataang aso.

Ayon kay Bonoan, nasa social media na ang aso, pero pinag-iisipan pa ng pamunuan ng SLEX kung paano mabeberipika kapag may umangkin sa hayop.

"Make sure naka-secure po 'yung pets ninyo. Minsan nagbubukas ng bintana 'yung mga iba at right there and there nakakatalon din 'yun," paalala ni Bonoan sa mga fur parent na isinasama ang kanilang mga alaga sa biyahe.

"I don't think this is the first time na nagkaroon kami ng ganitong incident. Unfortunately some of them actually hindi namin na-save," ayon pa kay Bonoan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News