Instant celebrity sa kanilang lugar sa Butuan City ang "dambuhalang" sanggol na si Baby Mark na isinilang na may bigat na 11 pounds. Kumusta na nga ba siya at ang kaniyang ina?

Nailuwal ng ginang na si Mariel via normal delivery ang kaniyang anak na si Baby Mark, na binigyan nila ng palayaw na "Dumbo."

Inakala nina Mariel at kaniyang mister na si Felizardo na magamit ni Baby Mark, ang mga pinagliitang damit ng mga nauna nilang anak noong sanggol pa ang mga ito.

Pero pagkasilang ni Baby Mark, bukod sa bigat niyang 11 pounds, umabot na sa isang talampakan ang kaniyang haba, na kasinglaki ng sanggol na apat na buwang gulang.

Kaya ang mga damit na isinusuot kay Baby Mark, mga damit ng kaniyang mga kapatid na edad dalawa at tatlo.

Ang sukat ng diaper na inilalagay kay Baby Mark, medium na para sana sa mga sanggol na pang-limang buwang gulang.

Malakas din daw sumuso ng gatas ang sanggol.

At dahil sa kaniyang bigat, hindi maiwasan na sumakit ang braso ng kaniyang mga magulang kapag karga siya.

Maayos naman daw ang kalusugan at talagang healthy si Baby Mark nang ipa-check-up sa duktor.

Pero bakit nga ba may mga baby na katulad ni Mark na isinisilang na ubod nang laki? Panoorin ang buong report sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News