Dumayo pa sa Dagupan CIty, Pangasinan ang limang menor de edad para magnakaw sa isang apartment upang may panggastos umano sa inuman.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing naganap ang nakawan sa pinapaupahang apartment ni Grace Camagay sa Barangay Tapuac sa Dagupan City.

Walang tao sa bahay nang mangyari ang insidente.

Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang limang kabataan na lumabas mula sa apartment na dala ang mga ninakaw na gamit.

Kabilang dito ang isang laptop, dalawang mamahaling cellphone at mga barya na aabot sa P30,000.

Nahuli naman ang mga kawatan at inamin umano sa barangay ang ginawang pagnanakaw.

Nagawa raw ng mga menor de edad na taga-Calasiao, ang magnakaw para mayroon umano silang panggatos sa inuman.

Hindi na nagsampa ng kaso ang biktima dahil nangako raw ang mga suspek na ibabalik ang mga ninakaw na gamit.-- FRJ, GMA News