Isang lalaki na nais palabasin sa mga awtoridad na patay na siya ang pumatay ng bago niyang "kaibigan" sa India.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing inaresto ng mga awtoridad si Sudesh Kumar, dahil sa pagpatay sa isang obrero.

Plano umano ni Kumar na palabasin sa mga awtoridad na patay na siya upang matakasan ang isa pang kaso na kaniyang kinakaharap--ang pagpatay sa kaniyang anak na babae na naglayas noong 2018.

Pinayagan na makalaya pansamantala si Kumar noong nakaraang taon para mabawasan ang siksikan ng mga nililitis na preso dahil sa coronavirus outbreaks.

Noong nakaraang buwan, isang bangkay ng lalaki ang nakita sa Ghaziabad na suot ang damit ni Kumar at may ID card niya.

"The body was partially burnt and its face was beyond recognition," ayon kay police superintendent Iraj Raja.

"We traced it back to [Kumar's] home and got his wife to identify the body. She promptly identified it as her husband's body. However, we were not convinced," dagdag ng opisyal.

Pero nakakuha ng impormasyon ang pulisya na buhay pa si Kumar, at nahuli siya sa labas ng kaniyang bahay noong Biyernes.

"Upon being interrogated, he spilled the beans," ani Raja.

Lumitaw na isang obrero ang kinaibigan ni Kumar at inaya sa kaniyang bahay at kunwaring magpapatulong na may kukumpunihin.

Matapos bigyan ng damit, nilasing umano ni Kumar ang lalaki at saka pinatay sa palo at sinunog ang mukha.

Ngayon, bukod kay Kumar, mahaharap sa kasong pagpatay sa lalaki ang kaniyang asawang si Raja.— AFP/FRJ, GMA News