Dahil sa kaniyang height na 7'1", nakalibre ng upgrade sa 1st class flight ang isang lalaki nang hindi siya magkasya na-book niyang domestic plane sa Amerika.

Sa video ng GMA News Feed, ibinahagi ni Beau Brown ang "tangkad problems" tulad nang nangyari sa kaniyang pagsakay sa eroplano mula North Carolina papuntang Georgia, USA.

Dahil sa tangkad ni Beau, nakayuko na siya nang maglakad sa gitna ng eroplano at hindi na siya kasya sa upuan.

Kaya kailangan niyang bumaba at lumipat na lang ng ibang eroplano na mas malaki. Bilang pakonsuwelo ng pamunuan ng maliit na eroplano, inilipat siya ng ibang airline at upgraded sa first class nang libre.

Pero halos hindi pa rin magkasya ang mga hita niya sa pagitan ng upuan sa kaniyang harapan.

Ayon kay Beau, lahi talaga ng matatangkad ang kaniyang pamilya. At kahit may advantage ang matangkad, mayroong din namang mga disadvantage.

Kabilang diyan ang laging pagyuko para hindi mauntog at madalas na pahirapan din ang makakuha ng hotel accommodation.

Madalas na ang kama, maigsi sa kaniya. At ang shower--mas mataas pa siya.

Kaya naman daw ang kaniyang condo unit, custom made para sa tangkad niya, at misis niyang 6'1" naman ang taas. --FRJ, GMA News