Nasawi ang isang motorcycle rider matapos siyang masalpok ng isang truck na nawalan umano ng preno sa Polomonoc, South Cotabato. Ang truck, may mga sakay at papunta sana sa isang beach resort.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, inihayag ng pulisya na nawalan umano ng preno ang truck sa pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Poblacion dahilan para mabangga nito ang biktimang rider.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Tinamaan din ng truck ang tatlong kotse at dalawang iba pang motorsiklo.
Sa hiwalay ng ulat ng GMA Regional TV News, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, may mga pasahero ang truck na papunta sana sa isang beach resort sa General Santos City.
Pitong iba pa ang sugatan sa nangyaring sakuna.
Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na wala pang pahayag.
Hinihintay pa kung sasampahan siya ng reklamo ng mga biktima, at kaanak ng nasawing rider.—FRJ GMA News
