Pinabulaanan ng pulisya sa Valencia City sa Bukidnon ang kumalat na balita tungkol sa umano'y "zombie attack" sa kanilang lugar, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Martes.

Isang lalaki sa Bukidnon na kinilalang si Anthony Arimas, 30, ang naging biktima ng umano'y zombie attack. Nagtamo siya ng mga sugat sa mukha, kamay at tuhod.

Inatake raw si Arias sa Purok Dos sa Barangay Tungan-Tungan, Valencia City. Base sa imbestigasyon ng kapulisan, kinagat ng suspek ang mata at kamay at sinipsip pa raw ang dugo mula sa sugat ng biktima.

Nakaligtas lamang ang biktima nang sumaklolo na ang kaniyang mga kapitbahay.

ADVERTISEMENT

"Ayon sa description pula ang mata, nanlilisik at nakatingin sa kanya na parang galit," ani Police Lieutenant Colonel Michelle Olaivar, tagapagsalita ng Police Regional Office 10 (PRO-10).

"Siguro dala na rin ng takot sinubukan ng biktima na tumakbo ngunit naabutan pa rin siya ng suspek kaya pinatungan siya, kaya nag-struggle dahil dinudukot ang kanyang mata at hinihigop pa ng suspek," dagdag pa niya.

Kumalat ang naturang insidente sa social media at lumabas ang sabi-sabi na isa itong zombie attack.

Pero ayon sa pulisya, wala itong katotohanan dahil ang suspek kalalabas lang sa drug rehabilitation.

Napag-alaman din na may nangyaring away sa pagitan ng suspek at ng kinakasama nito kaya posibleng ito ang nagtulak sa suspek na gawin ang krimen.

"Walang zombie. Ang nangyari ay may isang tao na medyo nawalan at the time sa kaniyang tamang kaisipan because sane person don't do that na bigla na lang nangangagat at hihigupin ang dugo," ani Olaivar.

"What happened siguro, I am not sure pero sa history niya na galing na siya sa rehabilitation, alam naman natin kung ano ang ill effects ng droga," dagdag niya. —KBK, GMA News