Matapos ang siyam na buwan na pagtutugis, nadakip ang isang magkasintahan na nagnakaw ng mga mamahaling alak na nagkakahalaga ng $1.7 milyon (katumbas ng P95 milyon) sa isang sikat na hotel-restaurant sa Espanya. Ang babae, dating beauty queen.

Sa video ng GMA News Feed, mapapanood sa CCTV footage ang lalaki na pabalik-balik sa storage ng naturang hotel-restaurant. Makalipas ang ilang saglit, lumabas siya ng storage area na may dalang tatlong bag.

Sa sumunod na araw, nag-check out na ang lalaki sa hotel kasama ang kaniyang kasintahan, na isang dating Mexican beauty queen.

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ng magkasintahan ang krimen noong Oktubre 2021.

Tatlong beses daw bumisita ang mga suspek sa hotel, kung saan ipinakita sa kanila ang wine cellar ng restaurant. Matapos nito, nag-check in ang magkasintahan gamit ang pekeng identity.

Para ma-distract ang mga hotel staff, nag-order umano ng room service ang babae sa closing time ng restaurant.

Dito na nakakuha ng tiyempo ang lalaki sa pagpuslit sa wine cellar gamit ang ninakaw niyang master key.

Puno ng mga mamahaling alak ang dala-dalang mga bag ng lalaki, kabilang ang isang bote na nagkakahalaga ng P17 milyon.

Nagtulungan ang Interpol at kapulisan ng Espanya, Netherlands, Croatia at Romania para mahabol ang mga suspek hanggang sa madakip sila sa Croatian border.

Umabot ng siyam na buwan ang pagtugis sa magkasintahan sa iba't ibang bahagi ng Europa, hanggang sa tuluyan silang nadakip at na-detain nitong Hulyo 20.

Ang halaga ng mga mamahaling alak na kanilang ninakaw ay katumbas ng P95 milyon.

Gayunman, hindi pa nababawi ang mga alak at patuloy ang imbestigasyon sa insidente.--FRJ, GMA News