Marami ang namangha sa video ng isang lalaki sa social media na umuusok daw matapos mag-exercise. Puwede nga ba talagang umusok ang katawan ng tao sa init?

Sa #KuyaKimAnoNa sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, napag-alaman na ang lalaki sa viral video ay si Fernando Cosme Jr., isang security guard mula sa Bukidnon.

Ugali raw ni Cosme na mag-jogging tuwing umaga. Pero isang araw, may napansin siyang kakaiba sa kaniyang katawan nang may tila usok na lumabas kaya kinuhanan niya ito ng video.

“Lumalakas po iyong usok. Nagulat ako bakit may umuusok sa paligid ko. Tumingin ako sa paligid ko kung may naninigarilyo po ba or may nagsisiga ng apoy. Wala naman,” kuwento niya.

Napag-alaman na ang usok na nilikha ng katawan ni Cosme ay "steam" o gas form dahil sa kaniyang pawis.

“’Pag nag-e-exercise, umiinit iyong katawan natin,” ayon kay Cristine Cabrera, physics instructor sa Adamson University.

“Para ma-regulate iyong katawan natin, nagre-release ng pampalamig iyong katawan natin,” patuloy niya.

Paliwanag pa ni Cabrera, “Puwede siyang maging liquid form, which is iyong pawis nga, or puwede rin siya iyong gas form, which is iyong steam. Nakikita natin iyong usok dahil do’n sa malamig na panahon noong oras na tumatakbo siya.”

Wala naman daw dapat ikabahala kapag nangyari iyon sa katawan.

At dahil naglalabas ng tubig ang katawan kapag may ginagawang pisikal na aktibidad, ipinayo ni Kuya Kim ang kahalagahan ng pag-inom ng tubig para ma-rehydrate ang katawan.--FRJ, GMA News