Ang planong masayang lamay tungkol sa kamatayan ng magbabarkadang miyembro ng LGBTQ+ community, nauwi sa totohanan nang biglang pumanaw ang isa sa kanila sa Misamis Oriental.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Bernadette Reyes, ikinuwento ni Rain Gabe ang habilin ng 32-anyos na pinsan niyang si Michelle na nais niyang maging "Die Beautiful," at masaya ang kaniyang lamay kapag siya ay namatay.
"Tina-topic namin 'yung mga kung paano kami kapag kami ay namatay, 'yung mga burol namin, ano ang mga plano namin. 'Yun [ang] ginawa namin kay Michelle, 'yun talaga ang request niya, na dapat masaya ang kaniyang burol," sabi ni Rain.
Kaya sa burol si Michelle, nagdaos sila ng Ms Gay pageant kung saan rumarampa ang mga beki sa runway at may program pa. Naglagay din sila ng mga lobo na kulay rainbow.
Noong nabubuhay pa, "life of the party" daw si Michelle kaya dama nila ang kakulangan nang pumanaw ito.
"Nalalaman talaga namin na wala ang kaniyang presensya kasi nga sobrang ingay niya, siya 'yung nagpapatawa sa grupo," sabi ni Rain.
Hindi raw nila inaasahan na mangyayari kaagad ang usapan nila tungkol sa lamay nang bigla na lang atakhin at pumanaw si Michelle.
Kasama raw ni Michelle noon ang boyfriend nito nang may makita siya sa isang Facebook post na kaniyang ikinatakot at na-trigger ang sakit niyang high blood.
Isinugod agad si Michelle sa ospital, ngunit muli siyang inatake sa ambulansya. Pagkalipas lamang ng apat na oras, tuluyan nang pumanaw si Michelle.
Bilang pinsan at malapit na kaanak ni Michelle, si Rain ang nagplano ng kaniyang burol para matupad ang kahilingan nito.
Bago nito, suki ng mga beauty pageant si Michelle, na laging sinusuportahan ng kaniyang mga kaanak at mga kaibigan.
Masaya rin ang naging libing ni Michelle dahil animo may party na may musika at sayawan.
"Para at least kahit wala na siya, mafi-feel niya masaya siya at minahal talaga namin siya kaya ginawa namin lahat ng gusto niya," sabi ni Rain.-- FRJ, GMA News
