Matapos ang malakas na lindol nitong Miyerkules, sangkaterbang isdang monamon ang napadpad sa tabing-dagat sa isang barangay sa Cabugao, Ilocos Sur. Kaya ang mga residente, kaniya-kaniyang huli.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing napadpad ang maliliit na isda sa bahagi ng baybayin ng Barangay Sabang.

Banye-banyerang monamom ang nahuli ng mga residente na ibinenta na lang umano sa murang halaga, at ang iba naman ay gagawing daing.

Ayon sa isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 1 na si director Rosario Gaerlan, maaaring nakaapekto at nabulabog ang mga isda sa nangyaring lindol kaya sila napadpad sa baybayin.

"Mga events na ganyan [lindol] mayroon din epekto 'yan pero mga short term lang 'yan [pagpapagilid ng isda] siyempre [nabulabog ang mga isda] sa dagat," anang opisyal.

Inihayag naman ng punong barangay na talagang nakakahuli sila ng mga monamon sa ganitong panahon.--FRJ, GMA News