Laking gulat ng ilang kabataan na nanghuhuli ng isdang sa ilog sa Gingoog City, Misamis Oriental nang makakita sila ng maliit na buwaya. Ang mga residente, nabahala na baka may iba pang buwaya sa ilog.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nakita ang buwaya noong Martes sa ilog na sakop ng Barangay Binacalan.

Namamana umano ng isda na ipang-uulam ang grupo ng mga kabayaan sa ilog nang hindi nila inaasahan na makakita ng maliit na buwaya na tinatayang isang talampakan ang haba at nasa isang kilo ang bigat.

Dahil sa nakitang buwaya, nangamba ang mga residente na baka mayroon pang ibang buwaya na nasa ilog.

Pero napag-alaman sa isang residente na ang naturang buwaya ay alaga ng isang negosyante na nakakawala ilang araw na ang nakararaan.

Ipinagbigay-alam sa community environment and natural resources ang nakitang buwaya, na nagsagawa naman ng operasyon upang sagipin ito.

Ayon sa Cenro, isang Philippine fresh water crocodile ang nakita ng mga bata. Criticaly endangered o malapit nang maubos ang naturang uri ng buwaya na sa Pilipinas lang matatagpuan.

Sinabi naman ng opisyal ng barangay, walang naka-report sa kanila na mayroong residente sa kanilang lugar na nag-aalaga ng buwaya.

Dinala ang nasagip na buwaya sa isang rescue center sa Cagayan de Oro.--FRJ, GMA News