May kakaibang paraan ang isang babae sa Australia kung papaano makagaganti sa dati niyang nobyo na taksil umano--ang maglagay ng full-page ad sa isang pahayagan. Ang matindi pa, sa credit card umano ng lalaki kinuha ang ibinayad sa ad.

Makikita sa Australia-based weekly newspaper na  Mackay and Whitsunday Life, ang full-page ad ng isang "Jenny" para sa kaniyang taksil umanong ex-boyfriend na si "Steve."

Nakasaad sa anunsyo na: "Dear Steve, I hope you're happy with her. Now the whole town will know what a filthy cheater you are."

Pahabol pa ni Jenny sa anunsiyo: "I bought this ad using your credit card."

Dahil sa naturang anunsiyo, naging viral sa social media ang Mackay and Whitsunday Life.

Naglabas naman ng pahayag ang Mackay and Whitsunday Life sa kanilang Facebook account at sinabing, "We do NOT know who Steve is, but apparently, he's been very very bad."

"We won't be revealing any details about Jenny. We have not charged the credit card in question," dagdag nito. — FRJ, GMA News