Itinuturing na isang milagro ang nasaksihan ng mga doktor sa England nang isilang na hindi humihinga at walang heartbeat ang isang sanggol. Pero matapos ang 17 minuto na pagre-resucitate sa baby, nabuhay ito.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ititigil na sana ng mga doktor ang pag-resucitate kay Baby Isaiah Gordon, nang bigla itong magkaroon ng buhay.

Bago nito, 26 linggo nang buntis (o mahigit anim na buwan) si Bethany Homar nang bigla siyang duguin at isugod sa ospital.

Ayon sa pagsusuri, nagkaroon si Homar ng placental abruption, o humiwalay sa kaniyang uterus ang placenta, na siyang nagbibigay-buhay sa sanggol sa sinapupunan ng ina.

"I was given two-choices - let him die inside me while they stopped my bleeding, or have him there and then with a high chance that he wouldn't make it," sabi ni Homar.

Nagdesisyon si Homar na sumailalim sa C-Section para bigyan ng pagkakataong mabuhay ang kaniyang sanggol.

At makalipas ang 17 minutong resucitation, biglang huminga at tumibok ang puso ng sanggol.

Agad dinala sa neonatal ICU si Baby Isaiah Gordon, na kinakailangang masalinan agad ng dugo.

May butas din sa puso si Baby Isaiah, kaya inihayag ng mga doktor na malaki ang posibilidad na hindi rin siya mabubuhay.

Ngunit matapos ang 100 araw sa ospital, nagpatuloy ang pagbuti ng kondisyon ng sanggol at naiuwi ni Homar na nasa maayos na kalagayan.

Nakakabit pa rin ang oxygen kay Baby Isaiah, pero maganda ang kinalabasan ng kaniyang brain scan.

"They did brain scans and could only find two brain bleeds which they were really surprised at. It's incredible really. He's a miracle," sabi ni Homar.

Ngunit kailangan pa ring bantayan si Baby Isaiah dahil sa kondisyon ng kaniyang puso at baga, at sa naging epekto ng kawalan ng oxygen sa kaniyang utak nang isilang siya na walang buhay.

Sakabila ng lahat ng ito, nagtitiwala ang mga magulang ni Baby Isaiah na kung nakayanan ng kanilang anak na lampasan ang kawalan ng heartbeat, wala siyang pagsubok na hindi kakayanin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News