Nagmadaling nag-landing ang isang paraglider matapos niyang makita mula sa ere ang isang kotse na nahulog sa kanal sa Florida, USA. At nang lapitan, iniligtas niya ang isang matandang babae na naipit sa sasakyan.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nasa routine flight noon ang paraglider na si Cristiano Piquet nang mamataan niya ang nahulog na sasakyan.
Lumapit siya para tingnan ito nang malapitan, at nagdesisyon siyang maglanding at tumakbo sa kinaroroonan ng kotse.
"Me and my friend, Diego, we were flying this morning like we always do on Sundays before church. I go around and I land. Wow. Amazing. Wow," sabi ni Piquet.
Pagkalapit nila ng kaniyang kaibigan, naabutan nila ang matandang ginang na nasa tuktok ng nakalubog na kotse. Hindi pala makaalis ang babae dahil naipit ang kaniyang braso.
Nagtulungan sina Piquet, ang kaniyang kaibigan at isa pang residente na alisin mula sa pagkakaipit ang babae, hanggang sa isa-isa nang magsidatingan ang rescuers.
Mayroon ding rumespondeng helicopter.
Nagpasalamat ang rescuers sa pagtulong nina Piquet at kaniyang mga kasamahan.
Hindi pa naglalabas ang mga awtoridad ng kumpirmadong impormasyon hinggil sa aksidente at kung gaano katagal nang stranded ang ginang.
Nadala na ang babae sa pagamutan at nasa maayos nang kondisyon. —LBG, GMA Integrated News

