Nasakote ng mga awtoridad sa Pangasinan ang magpinsang lalaki na suspek sa serye ng panghoholdap ng mga convenience store sa Pangasinan at La Union. Pero bago madakip, nahuli-cam ang dalawa na nakiusyoso sa away ng dalawang lalaki sa kalsada.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, nahuli-cam sa Barangay Salay sa Mangaldan, Pangasinan ang pagsakay ng isang babae sa tricycle.
Pero bago makaarangkada ang tricycle, isang lalaki ang sumugod at pinagsusuntok ang driver ng tricycle.
Dito na nagpambuno ang dalawa at natumba pa sa kalsada.
Ayon sa barangay, babae ang dahilan ng ayaw ng dalawang lalaki na nangyari sa tapat ng isang bar.
Sa harap ng kaguluhan, nahuli-cam naman ang pagdating ng isang kotse at tumigil. Nakiusyoso ang dalawang lalaki na sakay nito.
Nang mag-alis ng face mask, nakilala ang dalawa na ang magpinsang Rolando at Rommel Quero, na suspek sa panghoholdap sa ilang convenience store sa Mangaldan at Dagupan Cty sa Pangasinan, at sa Rosario, La Union.
Natukoy din ang plaka ng kanilang sasakyan na ginagamit nila sa panghoholdap. Nadakip ang dalawa paglampas ng checkpoint sa Urdaneta City.
Nakuha umano ng mga awtoridad sa sasakyan ng mga suspek ang isang kalibre .38 baril na walang dokumento, isang granada at ilegal na droga.
Ayon sa pulisya, ang kalibre .38 baril ang ginagamit ng dalawa sa panghoholdap.
Wala pang pahayag ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News
