Kalbaryo umano ang dinaranas ng isang dalagita dahil sa misteryosong sakit na nagpapahirap sa kaniya sa paghinga at dahilan para magwala. Sabi ng albularyo, ipinakulam daw ng kapitbahay ang dalagita. Ito rin kaya ang makita ng paranormal researcher na si Ed Caluag? Alamin.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo" ni Katrina Son, sinabing bumabalik naman sa normal ang dalagitang si Trisha pagkaraan na sumpungin ng hindi maipaliwanag na sakit.

Naipasuri na raw nila sa duktor ang anak at sinabihan silang normal naman ang lahat at pinauwi rin sila.

Gayunman, paulit-ulit umanong nangyayari ang pananakit ng leeg ng dalagita, nahihirapan huminga, nagwawala, at kinalaunan ay nawawalan siya ng malay.

Dahil dito, naisip ng mag-asawa na ipatingin si Trisha sa albularyo. Ayon sa albularyo, kinulam ang kanilang anak na kagagawan umano ng kanilang kapitbahay na matandang babae.

May matindi umanong galit sa kanilang mag-asawa ang kanilang kapitbahay.

Ngunit binalewala raw ng mga magulang ni Trisha ang sabi ng albularyo.

Hanggang dumating sa punto na hindi na normal ang nangyayari sa kanilang anak.

Naisipan nilang isama si Trisha sa Laguna sa pagbabakasakaling magamot ito ng ibang manggagamot. Sa pagkakataong ito, mayroon naman daw masamang espiritu na sumasanib sa dalagita.

"Nakakaamoy ako ng kalawang, nakakaamoy din ako ng mga malalansang dugo. Hanggang sa tubig ko, lasang kalawang siya. May nakikita akong nalulunod, tapos hanggang sa para akong nilulunod," kuwento ni Trisha.

"May balon kami na pinipilit akong tumalon na hindi ko makontrol ang sarili ko. Sobrang pangamba sa akin noon, akala nila masaya ako pero deep inside, sobrang sakit at sobrang takot sa akin nu'n kasi hindi ko alam 'yung mga susunod na mangyayari," dagdag ni Trisha.

Nagkaroon ng pagkakataon na suriin ni Ed Caluag ang dalagita, at nagsagawa siya ng ritwal para malaman kung ano ang umaatake sa dalagita.

Sa simula pa lang, nilinaw na agad ni Ed na hindi siya kaagad-agad nagdedeklara kung kulam o may masamang elemento na gumagambala sa dalagita hanggat hindi niya ito nasururi.

Alamin sa video ang natuklasan ni Ed nang magsagawa siya ng magkahiwalay na ritwal kay Trisha. Ipinasuri din ang dalagita sa isang neuro-linguistic programming expert tungkol sa kaniyang kalagayan? Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News