Hindi napigilan ng isang bride na halikan sa labi ang isang hotel staff sa harap pa mismo ng kaniyang groom dahil nahanap nito ang isang mahalagang bagay na nawawala sa bagong kasal.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ikinasal sina Michael at Courtney Feinberg sa Florida, USA, at tinapos nila ang magarbong party sa pamamagitan ng pagtalon sa swimming pool.

Kinalaunan, napansin ng bride na nawawala ang malaking three carats diamond sa kaniyang singsing na nagkakahalaga ng hindi bababa sa $20,000 o mahigit P1.1 milyon.

Inakala ng lahat na natanggal ang diyamante nang tumalon ang bagong kasal sa swimming pool.

Kaya hinanap nila ito sa swimming pool. Habang ang kanilang photographer, nag-ala-detective at sinuri ang mga kuha niya ng mga larawan upang alamin kung saan posibleng nawala ang diyamante.

"Every wedding I go to, I pledge to keep the clients’ best interests at heart, not to take the photos I want to,” sabi ni Laura Palacios, wedding photographer.

“I quickly realized that it wasn’t in the couple’s best interest to keep taking photos and I had lots of evidence on me,” pagpapatuloy ni Palacios.

Nang balikan ni Palacios ang mga larawan, napansin niyang nawala na ang bato ng singsing habang sumasayaw pa lang ang couple. Ibig sabihin, hindi sa swimming pool nawala ang diyamante.

Hanggang sa mahanap ito ng isang empleyado sa lapag, at siya mismo ang nag-abot sa bride, na abala pa rin noon sa paghahanap sa pool.

Nang makita na ng bride ang diyamante, sinalubong niya ang empleyado ay binigyan ng isang halik sa labi.

“The diamond was big enough that it got stuck in between the floor slats. Everyone screamed and I told him I was going to kiss him on the lips, so I did” sabi ni Feinberg.

Naipaayos na nina Feinberg ang singsing. Napag-alaman nilang may manufacturing error ang singsing kaya natanggal ang diyamante.

Nag-alok naman ng libreng  serbisyo ang kumpanya ng pinagmulan ng diyamante para makabawi sa couple. --FRJ, GMA Integrated News