Labis ang kasiyahan ng isang mag-ina sa Sto. Tomas, Davao del Norte dahil sabay silang nagtapos sa kolehiyo. Ang ina, tumigil noon sa pag-aaralan para matutukan ang pag-aalaga sa mga anak.
Sa ulat ni Rgil Relator ng One Mindanao sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mag-ina na sina Airesh Labiste Luna, 47-anyos, at anak niyang si Arianne Kaye, 22-anyos.
Kapuwa sila nagtapos sa kursong Technical-Vocational Teacher Education sa Sto. Tomas College of Agriculture, Sciences and Technology.
Ayon kay Nanay Airesh, huminto siya sa pag-aaral nang mabuntis siya at tinutukan niya ang pag-aalaga sa mga anak.
Nang lumaki na ang mga bata, ipinagpatuloy niya sa pag-abot sa kaniyang pangarap na magkaroon ng diploma.
Kahit siya ang pinakamatanda sa klase, hindi iyon naging problema kay Nanay Airesh ang makisalamuha sa kaniyang mga kaklase na "momsh" ang tawag sa kaniya.
Ikinatuwa rin ni Arianne na magkasama sila ng kaniyang ina sa paaralan dahil may pagkakataon na ang ina niya ang dumadalo sa ilang meeting na hindi niya kayang puntahan kapag may trabaho siya.
Ngayong tapos na sa kolehiyo, plano ni Nanay Airesh na kumuha ng master’s degree, habang maghahanda naman sa board exam si Arianne. --FRJ, GMA Integrated News
