Masuwerteng nasolo ng isang pasahero ang kaniyang flight matapos ang 18 oras na delay at magsiuwian na ang mga kapuwa niya sa pasahero sa Amerika.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang video ng realtor na si Phil Stringer, na nasolo ang eroplano mula Oklahoma City papuntang Charlotte City.
Habang nasa boarding gate, inakala ni Stringer na siya na lang ang hinihintay ng eroplano, pero sinabi ng gate agent na siya lang talaga ang sasakay na pasahero.
Bago nito, pitong beses na-delay ang flight dahil sa masamang panahon kaya umalis na ang iba.
Ngunit tiniis ni Stringer ang 18 oras na delay dahil kailangan niyang makaalis para sa trabaho.
Umabot na sa 50 milyong views ang video ni Stringer sa Tiktok. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
