Nabalot ng pag-aalala ang masayang bonding ng isang pamilya na nag-outing sa isang liblib na farm-resort sa Laguna nang lumabas sa kuha ng litrato ng kanilang padre de pamilya at kapatid nito na tila nagmukhang elemento o siyokoy.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Sheryl Naval, na naisipan ng kanilang pamilya na mag-outing bago bumalik sa Qatar para magtrabaho ang kaniyang mister.
Sa resort na kanilang pinuntahan sa San Pablo, Laguna, mayroon itong swimming pool na dati umanong bukal na nilagyan ng semento upang gawing paliguan.
Habang naliligo at sumisisid sa pool, ilang beses na binibiro at tinawag ni Sheryl ang kaniyang mister na "boy siyokoy."
At nang kunan niya ng larawan ang kaniyang mister at kapatid nito habang nasa pool gamit ang smartphone, laking gulat ni Sheryl nang makita na iba ang lumabas na mukha ng kaniyang asawa at kapatid nito.
"Yung hitsura niya may pangil, maitim, may dugo yung bibig, mukhang siyokoy. Kinilabutan ako kaya naitapon ko ang cellphone," ayon kay Sheryl.
Hinala ni Sheryl, baka may nagalit na elemento sa kaniya dahil sa pagiging maingay niya at ilang beses na pagtawag niya sa kaniyang mister na siyokoy.
Ilang beses na raw nakapunta sina Sheryl sa lugar at talaga naman daw na malinis at malinaw ang tubig sa bukal kaya sila bumabalik.
Ang ilang residente na malapit sa resort, sinabing dati na raw na may mga kuwento tungkol sa maligno o engkanto sa paligid.
Ngunit ang may-ari ng resort na si Marissa Mesinas, itinanggi ang mga haka-haka na may maligno o kababalaghan na nangyari sa kanilang lugar.
Giit niya, mababaw lang naman ang tubig sa pool at pinalitan nila ang tubig nito tuwing ikalawang linggo.
At sa tagal na rin naman daw ng kanilang resort, wala pa naman daw na nagreklamo sa kanila na may nakitang maligno o siyokoy.
Nakita rin daw niya ang larawan na kuha ni Sheryl, at hindi naman daw siya kinilabutan.
Paniwala niya, kung hindi edited ang larawan, posibleng nagkaroon ng problema sa pagkuha ng larawan.
Si Sheryl, tanging hangad daw na makakuha ng paliwanag kung bakit nag-iba ang hitsura ng kaniyang mister sa larawan.
Itinanggi niyang edited ang larawan at wala rin daw siyang app para baguhin ang hitsura ng nasa larawan.
Nang ipasuri sa astrophotographer na si MJ Magallon ang larawan na kuha ni Sheryl, kumbinsido naman siya na hindi edited ang litrato.
Napansin din ni Magallon na nagkaroon ng doble o nagkaroon patong sa mukha ng taong kinuhanan ng larawan.
Pero mayroon nga bang kababalaghang nangyari kaya napalitan ang mukha ng mister ni Sheryl? Alamin sa video na ito ng KMJS ang paliwanag ni Magallon . Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News
