Nahaluan ng katatawanan ang malungkot sanang padespedida ng isang nag-resign na empleyado sa isang opisina sa Maynila, matapos siyang alayan ng prusisyon at padasal ng kaniyang mga katrabaho.

Sa video ni John King Ong, na mapapanood din sa ulat ng Saksi, makikita na may dala pang kandila ang kaniyang mga ka-opisina upang ipagdiwang ang kaniyang resignation.

Nagsisilbi itong goodbye party ni Ong, kaya may dala silang cake at iba pang regalo.

“Ating ipagdiwang ang maligayang pagre-resign ng ating pinakamamahal na kaibigan na si John King Ong,” sabi ng mga katrabaho ni Ong.

“Maging successful ka rin sa iyong lovelife at hindi lang puro talking stage ang iyong mararanasan,” sabi pa nila.

Nakuha nila ang ideya online.

“Nakakatuwa na last day mo na sa office pero parang last day mo na rin sa earth,” sabi ni Denise Mata, kaibigan ni Ong.

“Ginawa namin ‘yon para ma-twist ‘yung lungkot na mapalitan ng saya, para maging trip lang na walang iiyak, walang hahagulgol,” sabi ni Jicel Santiago, isa pang kaibigan ni Ong.

“May lines na na nakakatawa, biglang naiiyak na tapos natatawa,” sabi ni Ong.

Halos dalawang taon lang naging empleyado sa kanilang kumpanya si Ong, ngunit tumatak naman sa kanila ang nabuong samahan.

“Maayos siyang ka-officemate, very dedicated, parang magkakapatid na kasi nakakapag-open up kami ng mga problema sa isa’t isa,” sabi ni Santiago.

“Kahit na stressed sa biyahe at stressed sa work, pero ‘yung kasama mo eh magaan katrabaho, malaking factor po ‘yun. Be kind lang po to everyone,” sabi ni Ong. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News