Naging tila kabayo na may mahabang leeg ang isang giraffe na isinilang sa isang zoo sa Tennessee, USA dahil sa kakaibang kulay ng kaniyang balat na walang spot.
Ayon sa ulat ng GMA News Feed, nito lang Hulyo isinilang sa Bright Zoo ang kakaibang giraffe na kulay brown lang ang balat at walang halong tila mga guhit na puti.
Labis umanong namangha ang mga tauhan ng zoo nang makita nila ang batang giraffe. Napag-alaman na taong 1972 pa huling nagkaroon ng ganitong klase ng giraffe na isinilang sa Japan.
Pinag-usapan din sa social media ang giraffe na tinaguriang "world's rarest giraffe." Ang ipapangalan sa kaniya, idinaan sa online poll.
Kabilang sa mga pinagpipiliang ipapangalan sa giraffe ay "Kipekee," na unique ang ibig sabihin. At ang "Friyali," na unusual naman ang kahulugan.
Pero kahit kakaiba, wala naman siyang problema sa pakikisalamuha sa iba niyang kapuwa giraffe, lalo na sa kaniyang ina. --FRJ, GMA Integrated News
