Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na nagpakita umano ng kaniyang ari sa tatlong estudyante habang nasa pampublikong lugar sa General Santos City.

Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Dadiangas.

“Pinalabas yung ari niya sa harapan mismo ng mga bata. Mga more or less siguro mga seven meters lang ang distance doon sa mga estudyante," ayon kay Traffic Enforcement Unit-Gensan Chief, Major Oliver Pauya.

"Yung mga bata naman, nagkukunwari lang na parang walang nakita then nag-take siya ng video,” dagdag ng opisyal.

Matapos ang insidente, umalis ang lalaki sakay ng motorsiklo.

Napag-alaman ng mga awtoridad na nakita rin ang lalaki at ginawa rin ang pagpapakita ng kaniyang ari sa Plaza Heneral Santos.

Nakuhanan naman ng larawan ang suspek maging ang plaka ng kaniyang motorsiklo na idinulog na sa Land Transportation Office (LTO) para makilala ang suspek.

Ayon kay Pauya, handa ang mga estudyante at magulang na magsampa ng reklamo laban sa lalaki kapag nakilala na ito. --FRJ, GMA Integrated News