Nabulaga ang isang customer sa Maynila nang makatanggap sila ng electric bill na mahigit P134,000 gayung putol na ang kanilang kuryente mula pa noong pandemic dahil hindi sila makapagbayad. Ang Meralco, iniimbestigahan na ang insidente.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing hindi mabayaran nina Mariz Acebron ang P9,000 electic bill noon sa kanilang tahanan sa Gawad Kalinga Village sa Baseco Compound kaya sila naputulan.
Nakikigamit na lamang sila ng kuryente sa kanilang kapitbahay na kamag-anak para mapagana ang dalawang ilaw at isang maliit na electric fan.
Pero bago pa nila ang natanggap na P134,000 na bill sa kuryente, may dumating din sa kanilang bill para sa buwan ng Agosto noong nakaraang taon.
"P24,000 po. Bigla na lang po itong sumulpot 'yung last year, mga September. Bakit kami magkaka-bill eh matagal nang putol 'yung kuryente?" sabi ni Acebron.
Dahil dito, agad na dumulog ang ginang sa Meralco, at pinangakuan sila na titingnan ang problema. Pero sa kabila ng pangako na babalikan sila, wala naman daw silang natanggap na e-mail mula sa kompanya.
Matapos magreklamo, wala na umano siyang natanggap na mga sumunod na bill, kaya inakala niyang naayos na ang problema.
Hanggang sa bumulaga sa kanila nitong Disyembre ang electric bill na umaabot na sa P134,000.
"Ibig sabihin 'yung September, October, November, nasaan po 'yung resibo na bill na po 'yun? Wala po kaming natanggap," sabi ni Acebron.
Base sa bill ng Meralco, muling gumana ang kaniyang metro mula Agosto. Ipinagtataka niyang bukod sa hindi ginamit, masyadong malaki ang konsumo.
"Sana po malinis po itong P134,000 na hindi naman po kami ang gumamit," panawagan ni Acebron.
Ipinarating ng GMA Integrated News sa Meralco ang reklamo ng ginang.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na tila na-reconnect umano ang kanilang linya.
Nangako ang Meralco na masusi nilang iimbestigahan ang reklamo at makikipagtulungan kay Acebron para maiayos ang kanilang billing. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
