Kinaaliwan ng mga tao sa paligid at maging ng mga netizen ang eksena ng mag-inang aso sa Villamor Air Base sa Pasay City, habang naghihilahan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ng uploader na si Juan Carlos Ferrero, na kagat ng nanay na aso ang kamay ng kaniyang tuta habang naglalakad ang dalawa.
"Pinapauwi niya yung anak. Pinapauwi sa bahay, ayaw umuwi eh," madidinig sa video.
Ang tuta, tila ayaw pa ngang umuwi kaya halos kaladkarin na siya ng kaniyang nanay.
May pagkakataon pa na nabibitawan ng nanay ang kamay ng anak pero muli niya itong kukunin o kakagatin.
Tila eksena sa tao na kulang na lang ay pingutin ng nanay ang tenga ang kaniyang tuta.
Ayon sa uploader ng video, hindi siya sigurado kung asong-gala ang dalawa o may nagmamay-ari sa kanila.
Pero lagi rin daw niyang nakikita aso sa loob ng Villamor Air Base hanggang sa makita niya ang nakatutuwang eksena ng mag-ina.
Kaya naman naaliw ang mga tao sa paligid na nakita ang ginagawa ng mag-ina.
Ang ilang netizens naman, napakomento na pamilyar daw ang ganoong eksena sa mga nanay kapag ayaw umuwi ang anak na kailangan pang sunduin.
Sa huli, ang nanay din ang nasunod at walang nagawa ang tuta kung sumunod. --FRJ, GMA Integrated News
