Mga nagpa-"victim” o “paawa effect” ang isang pamilya ng mga aso matapos nilang tangayin at kainin ang uulamin sana ng kanilang fur parent sa Cavite.

Sa GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ng 54-anyos na si Cleo Cruz,  na saglit niya lamang iniwan ang kaniyang mga pinamalengke sa kanilang bahay.

Ngunit sa kaniyang pagbalik, laking gulat niya nang makita ito sa hagdan na kulang na o piraso na lamang.

“Nawala na po ‘yung giniling, ‘yun lang naman po ang nawawala,” sabi ni Cruz.

Kalaunan, napagtanto niyang ang mga alaga niyang aso ang mga salarin.

Nang kaniyang mabisto, instant na nagpaawa effect ang mga ito.

Nakatungo ang nanay na si Kitkat at dalawang puppies na sina Kisses at Black Nose.

Ang tatay naman na si Miyo, kumukurap-kurap pa ang mga mata at tila naiiyak habang pinagagalitan.

“Ang hitsura, kawawang kawawa,” sabi ni Cruz.

Mula sa halos kalahating kilo ng giniling, kaunti na ang natira matapos kainin ng mag-anak na aso.

Sa kabutihang palad, hindi naman nagkasakit ang kaniyang fur babies.

Unang beses daw na mapagsabihan ni Cruz ang kaniyang mga alaga, lalo ang mga aso niyang tatlong buwan pa lang.

“Itong mommy at saka daddy po hindi naman po nila ginagawa ‘yun eh. ‘Yung two puppies po talaga ang makukulit! ‘Yung naka-face the wall sa kaniya ko po nakuha ‘yung natira,” sabi ni Cruz.

Agad na naging abala sa pader si Kisses, dahil siya pala ang mastermind sa pagkuha ng giniling.

Kahit na mga makukulit, itinuturing ni Cruz na stress reliever ang kaniyang mga alagang aso. -- FRJ, GMA Integrated News