Alistong nasagip ng isang ama ang kaniyang baby matapos siyang mapa-dive sa sahig para saluhin ito mula sa pagkahulog sa kanilang higaan sa Henan, China.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang CCTV footage ng sweet bonding ng mag-ama habang nagpapahinga sa higaan.
Bantay-sarado ng ama ang kaniyang baby, na enjoy naman sa paglalaro.
Ngunit nag-umpisa ang tensyon nang saglit na tumayo ang ama upang kunin ang laruan ni baby.
Kahit na lumalayo na siya mula sa higaan, pilit pa rin niyang sinisilip ang anak para matiyak ang kaligtasan nito.
Ngunit nang pabalik na ang tatay, bigla na lamang tumagilid ang sanggol at gumulong ito patungo sa dulo ng higaan.
Sa kabutihang palad, mabilis ang kaniyang reflexes at tila nag-dive sa sahig para masalo ang nahulog na anak.
Matapos nito, napaupo na lamang siya sa sahig at muntik mabalian ng baywang.
Nasa mabuting lagay naman ang ama, at wala ring natamong sugat si baby sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
