Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos magtamo ng saksak sa dibdib sa Tondo, Maynila. Ang itinarak sa kaniya, sirang payong na galing sa basurahan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing magkatrabaho at magkapitbahay sa Parola Compound sa Delpan, Tondo ang suspek at ang biktima.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagalit umano ang biktima na nakikipag-inuman noon dahil sa hinala na dinuraan ng suspek na kaniyang tsinelas.

Gumanti umano ang biktima at dinuraan din ang suspek.

“Nagkaroon sila ng physical confrontation, at dumura naman itong biktima na sinita naman nitong ating suspek at nauwi ito sa pananaksak,” ayon kay Manila Police District spokesperson Police Major Philipp Ines.

Ayon sa saksi, nakakita ng sirang payong sa basurahan ang suspek na ginamit na panaksak sa dibdib ng biktima.

Pero hindi na nakita pa ang payong na itinapon umano sa ilog.

Napag-alaman ng pulisya na dati nang may alitan ang dalawa.

Nahuli sa follow-up operation ang suspek na itinanggi ang pananaksak.

“Hindi ko po siya sinaksak, sir…Madilim kasi sa eskinita namin,” ayon sa suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated murder. --FRJ, GMA Integrated News