Damang-Dama na ang Kapaskuhan sa Lungsod ng Dasmariñas sa Cavite.
Bukod sa dama na ang lamig ng simoy ng hangin, dagdag pa sa Christmas feels ang mga pailaw na nagbigay liwanag sa lungsod.
Maliwanag ang kahabaan ng Congressional Avenue sa lungsod. Punong-puno kasi ng makukulay na parol na hugis bituin at paru-paro ang mga puno at poste.
Kumukutikutitap din ang mga pailaw na nakasabit.
Bukod diyan ay may mga palamuting Pamasko din sa kahabaan ng Daño Street. Kaya naman paborito itong puntahan ngayon ng pami-pamilya at magbabarkada.
Si Aling Ludy kasama ang anak at apo nang pumasyal sa Daño Street.
Kwento niya sa GMA Integrated News, “Masaya po at nagkasama-sama po kami. Kasama ko ang apo ko at manugang. Sariwang hangin, malamig, presko.”
Dagdag ni Christine na manugang ni Aling Ludy, “Minsan lang po kami nagkakasama-sama ng ganito. Tuwing BER months. Tapos yan ung decorations, gusto nung bata yung may lights ... Iba’t-ibang ilaw.”
Dinayo naman ng magkakaibigang sina James ang Daño Street matapos mabalitaan na maganda ang mga Christmas palamuti doon.
Sabi ni James, “Ngayon lang po dahil may Christmas decors. Ano nilo-look forward sa Christmas? Sana maraming gifts.”
Sa Dasmariñas Sports Complex naman makikita ang kanilang malaking Christmas tree na pinalibutan ng mga palamuting paru-paro.
Inaabot ng hanggang halos hatinggabi ang ilang namamasyal sa Daño Street Ine-enjoy nang husto ang mga Christmas decor ng lungsod.
Samantala, may mga nakabantay ding PNP personnel sa area para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar. — RSJ, GMA Integrated News