Isang pulis na nag-amok ang hinubaran at itinali sa poste ng mga inaway niyang empleyado sa Para, Brazil.
Sa video ng Policia Municipal, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pulis na dinatnang nakahubad ng mga kasamahan niya sa trabaho, ngunit hindi agad siya pinakawalan at sa ganito siyang estado kinausap.
Lumabas sa imbestigasyon na nagka-away ang pulis at ang mga tauhan ng isang energy company.
Ayon sa mga manggagawa, nasira ang kanilang truck kaya natigil ito sa gitna ng kalsada.
Tiyempo umanong napadaan ang pulis at inutusan niya ang mga empleyado na itulak ang truck para makadaan ang kaniyang sasakyan.
Gayunman, hindi nakuntento ang pulis sa espasyo kaya pinagmumura niya ang mga empleyado.
Dahil dito, pinagtulungan siya ng mga manggagawa at itinali sa poste bago sila tumawag ng pulis.
Ayon sa salaysay ng Policia Municipal, naka-sick leave noon ang pulis at hindi naka-duty.
Dinakip siya at mahaharap sa reklamo matapos magbanta at atakihin umano ang mga empleyado.
Nangako naman ang mga pulis na hindi nila bibigyan ng espesyal na pagtrato ang kanilang kabaro.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
