Mabilis na rumesponde ang isang pulis--hindi sa isang krimen-- kung hindi sa pagtulong sa isang buntis na napaanak sa gilid ng gas station sa Manaoag, Pangasinan. Ang buntis, galing na pala sa clinic pero pinauwi dahil inakalang hindi pa manganganak hanggang sa abutan ng paghilab ng tiyan sa tricycle.
Sa ulat ng GMA Regional TV, mapanonood sa CCTV footage ang ginawang pagpara ng isang lalaki sa sasakyan ni Police Staff Sergeant Niño Pacis.
Kalaunan, natagpuan ni Pacis ang ginang na si Mary Janeth Maximo, na nagla-labor na habang nasa loob ng nakaparadang tricycle.
Nang mapagtantong kinakailangan na ang agarang aksiyon at tulungan ang ginang, nagpakuha siya ng kumot na maaari nilang gamitin.
Ayon kay Pacis, ilang sandali lamang ay lumabas na ang sanggol.
“Nu'ng pinara niya ako, pumunta ako sa gasoline station at tinanong ko ano ba 'yung problema. ‘Yun pala, manganganak 'yung asawa niya,” sabi ni Pacis.
“Nu'ng malaman kong manganganak na siya at lumabas 'yung ulo ng bata, pinahiga ko siya. Tapos 'yung asawa niya, nagpakuha ako ng kumot para 'yung bata lumabas dun... ang bilis kasi lumabas 'yung bata,” dagdag ni Pacis.
Sinabi ni Mary na kagagaling lang nila sa isang midwife, ngunit pinauwi siya nito dahil dalawang sentimetrong dilated pa lamang daw siya.
“Siguro natagtag po ako [habang nasa biyahe sa tricycle]... tapos sobrang sakit na po ng balakang ko... tapos doon na nagtuloy-tuloy sumakit 'yung tiyan ko, hanggang nailabas ko na po 'yung [baby],” sabi ni Mary.
Dahil sa mabilis na pag-iisip ni Pacis, ligtas na naisilang ni Mary ang isang malusog na batang babae na pinangalanang si Benice Mackenzie.
“Sobrang nagpapasalamat po ako sa kanila... buti po walang nangyaring masama,” anang ginang.
Tinawag ng netizens na bayani si Pacis, ngunit para sa pulis, ginawa lang niya ang nararapat sa sandaling iyon para mapanatili ang kaligtasan ng mag-ina.
“Hindi po ako nurse pero ginawa ko ang lahat para mailigtas 'yung magulang at tsaka 'yung bata,” sabi niya.
Nakauwi na si Mary at ang kaniyang sanggol at nasa mabuti silang kalusugan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News