Hindi na magiging problema sa mga residente sa Barangay Poblacion sa Mapandan, Pangasinan na maghintay ng masasakyan sa kanilang waiting shed kahit mainit ang panahon dahil de-aircon ito.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, inabutan sa loob ng waiting shed ang ilang senior citizens na ikinatuwa ang naturang proyekto ng lokal na pamahalaan.

“Malaking tulong po sa amin kasi nga senior citizen, mahina na katawan namin. Hindi ko na kayang maghintay sa labas kasi ang init,” pahayag ni Dina Natnat, presidente ng Mapandan Federation of Senior Citizen’s Association.

Bukod sa mga nakatatanda, prayoridad na gumamit ng de-aircon na waiting shed ang mga buntis, at persons with disabilities (PWDs).

Hanggang 20 tao ang kapasidad ng naturang waiting shed.

Masaya rin ang estudyanteng si Cassophea McFarlane, sa de-aircon na waiting shed habang naghihintay ng masasakyan pauwi.

“Sobrang init po. Para sa mga naghihintay ng sundo, dito po sila nag-i-stay po,” saad niya.

Umabot umano sa P500,000 ang ginastos sa waiting shed na kinuha mula sa 20 percent development fund ng lokal na pamahalaan. Sa ikalawang bahagi ng proyekto, lalagyan naman ito ng solar panels na nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P300,000 para makatipid sa konsumo ng enerhiya.

Ayon kay Mayor Karl Christian Vega, makatutulong ang naturang proyekto lalo na kapag mainit ang panahon kung saan nagkakaroon ng mga insidente ng heatstroke.

Dagdag pa niya, ligtas din itong lugar para sa mga kabataan na magpapasundo sa kanilang mga magulang dahil babantayan ng kapulisan ang seguridad ng lugar.

Bukas ang waiting shed mula 6 a.m. hanggang 10 p.m., at isasara sa gabi upang hindi gawing tambayan ng iba.

Isa pa umanong waiting shed na de-aircon ang itatayo sa ibang barangay sa taong ito.--FRJ, GMA Integrated News